Simula ngayong ika-2 ng Mayo 2022, PhP15,000.00 na ang nakatakdang share capital ng mga miyembro ng PAFCPIC - mas mataas na sa orihinal na PhP10,000.00.
Ang pagtaas sa PhP15,000.00 ng takdang share capital ng mga miyembro ay idineklara batay sa ginawang amendment sa Articles of Cooperation at By-Laws ng PAFCPIC na inaprubahan ng Cooperative Development Authority (CDA) noong Marso 21, 2022. Kasabay nito ay inaprubahan din ng CDA ang pagtaas ng monthly capital contribution mula P200 hanggang P500.
Batay sa approved amendments, ang mga bagong miyembro ay maaaring palaguin ang kanilang share capital sa pamamagitan ng pag deposito ng P500 kada buwan sa loob ng 30 buwan upang makumpleto ang P15,000 Share Capital. Para naman sa mga kasalukuyang miyembro ng PAFCPIC, mayroong pagpipilian kung paano pupunan ang P15,000. Una ay ang pagtaas ng monthly contribution mula P200 hanggang sa takdang halaga na P500. Pangalawa ay ang pagbabayad nang isang bagsak upang mabuo ang PhP 15,000.00.
Kasabay ng pagtaaas ng Share Capital contribution ng PAFCPIC, itinaas rin ang maximum limit sa Regular Savings at Special Savings Deposit. Mula sa dating PhP20 million ay PhP30 million na ang maximum limit sa Regular Savings Deposit, at mula sa dating PhP10 million ay PhP15 million na ang maximum limit sa Special Savings Deposit.
Isa na naman itong patunay na ang PAFCPIC ay patuloy na lumalago at lumalakas. Patuloy na nagsusumikap ang PAFCPIC upang tuparin ang misyon na matugunan ang pangangailangan ng mga miyembro nito sa pamamagitan ng dekalidad na serbisyo.